Pages

Monday, August 10, 2015

Ang Katotohanan sa Pagkatiwalag Ni Joven O. Sepillo, Sr. ​Sa iglesia Ni Cristo

Sa kabila ng pilit na PAGTATAGO at PAGTATAKIP sa mga KASINUNGALINGAN ng SANGGUNIAN ng IGLESIA NI CRISTO CENTRAL, hindi kailanman kayang patahimikin ng Katotohanan. Narito ang patunay ni G. Antonio Ebangelista mula  sa pahayag mismo ng Ka Joven Sr.

Source: PressReader

Narito po ang pahayag ni Ka Joven, isang makatotohanang salaysay na sana ay makarating sa maraming mga kapatid para sa pagkaunawa at pagka alam ng katotohanan…

Ako po si kapatid na Joven O. Sepillo, Sr. isang ministro ng ebanghelyo sa loob ng Iglesia ni Cristo sa loob ng mahigit na 29 na taon, mula nang maordenahan subalit itiniwalag ng Sanggunian kasama ng aking pamilya,​dahil​ sa hindi pagpapasakop sa Pamamahala, ayon sa isinasaad sa unang sirkular na binasa sa buong Distrito ng Leyte East noong Hulyo 25, 2015. Sinabi ko pong una, dahil may sumunod na pagbasa ng sirkular noong Hulyo 29 at 30, 2015. Ang unang pagtitiwalag ay nangyari noong hindi ko sinunod ang bilin ng Central na gumawa ng isa pang video na ang sasabihin ay idinikta na ng tagapangasiwa batay sa tagubilin ng Central. Ang ikalawang pagbasa ay noon pong tanggihan ko ang proteksiyon na iniaalok ng Sanggunian para sa aking pamilya at sa pamilya ng aking anak na si Joven Sepillo, Jr. na isang ministro rin. Marahil kung tinanggap ko po ang proteksiyon na inialok nila ay masasapatan na sila sa unang pagbasa ng sirkular ng pagtitiwalag sa amin.

Nagpasya po akong lumabas upang marinig ng mga kapatid sa buong iglesia ang panig ko dahil pinalilitaw ng Sanggunian ngayon na ako ay lumalaban sa Pamamahala at nagkakalat ng kasinungalingan sa layuning guluhin ang Iglesia. Hindi ko po gagawin iyon, kung mayroon po akong nilalabanan at hinahangad na masawata ay ang mga katiwalian na umiiral sa Iglesia ngayon. Batid ko pong hindi magugustuhan ng mga taga- Sanggunian ang paglabas kong ito. Subalit dahil sa ipinasya nila na ipaalam pa sa mas maraming kapatid na tiwalag na ako at ang aking pamilya, gayong may una nang pagbasa ng sirkular sa pagtitiwalag sa Distrito ng Leyte East na aming kinadedestinuhan, marahil ay marapat lang pong malaman ng mga kapatid lalo na ng mga nakakakilala sa amin ang tunay na dahilan kung bakit humantong kami sa ganitong kalagayan.

Ito po ang talagang nangyari.

Noon pong Hulyo ​18, ​2015 ay lumitaw sa social media ang pangalan ko na isa sa mga ministrong dinukot at hindi makita. Marami pong nakaalam nito kaya sila ay nabahala lalo na ang aming mga kamag-anak. Kinumpirma naman namin sa mga nakakakontak sa amin na ligtas kami at hindi kami nadukot. Naging palaisipan po sa aking pamilya kung bakit ako nakasama sa mga ministrong nawawala gayong tahimik lang kaming tumutupad ng tungkulin sa lokal ng San Roque at Tolosa Extension sa Distrito ng Leyte East. Sino po kaya ang may gawa nito at ano ang kanilang layunin? Noong pong Hulyo 21, 2015 ay pinagawa po ako ng video na ang sasabihin ay “I am INC.” Nakipag-cooperate po ako at ginawa ko ang video batay sa itinagubilin ni kapatid na Rommel Sanvictores ng INCTV at ipinadala po sa kaniyang email. Panatag po kami ng pamilya ko na kung maipalalabas iyon ay maglilinaw na hindi ako nadukot at hindi ako nawawala kundi nasa destino at tumutupad ng tungkulin. Pagsapit ng Hulyo 24, 2015 ay may tinanggap na naman akong tagubilin mula sa Central na gumawa ng panibagong video kasama ang mga kapatid sa lokal na ang sasabihin naman ay “kaming mga maytungkulin at mga kapatid sa lokal ng San Roque, Distrito Eklesiastiko ng Leyte East ay nagpapahayag ng puspusang pagsunod at pagpapasakop upang maligtas” at babati ng maligayang ka-101 kaarawan ng Iglesia ni Cristo. Pag-uwi ko po sa lokal ng San Roque ay dinatnan ko na ang mga kapatid na tinipon ng pangulong diakono batay sa itinagubilin ng Distrito at naroon na rin po ang ministro na kukuha ng video. Hindi po iyon araw ng pagsamba sa San Roque, palalabasin lang na ang video ay katatapos lang ng pagsamba.



Sa pagkakataon pong iyon ay may desisyon na ako na huwag gawin ang video, sapagkat una, nakagawa na ako ng video noon lamang Hulyo 21, 2015 na marahil ay upang patunayan na hindi ako dinukot. Ikalawa, nakarating na po sa mga kapatid ang balita noong Hulyo 23, 2015 ang panawagan nina Ka Tenny at Ka Angel Manalo, na dahil doon ay nagtatanong na sila kung ano ang nangyayari sa Iglesia, sinundan pa kinabukasan, Hulyo 24, 2015 ng pagbasa ng sirkular ukol sa pagtitiwalag sa pamilya ni Ka Erdy. Binasa ko naman po ang sirkular ukol sa pagtitiwalag sa pamilya sa idinaos na pagsamba sa Tolosa Ext., pero sobrang sakit ang naramdaman ko dahil bakit humantong sa ganitong sitwasyon. Hindi ko na po maatim na pagkatapos basahin ang pagtitiwalag sa pamilya ay saka po nila ako uutusan para ipahayag ang puspusang pagsunod at pagpapasakop sa Pamamahala, idadamay ko pa ang mga kapatid. Sa akin pong pananaw ay sukdulan nang panggigipit at pang-aapi ang ginawa nilang ito sa pamilya ni Ka Erdy. Sinabi ko pong sukdulan sapagkat matagal nang mayroong hindi kanais-nais na mga nangyayari sa pamilya mula nang papagpahingahin ng Diyos si Ka Erdy bagamat pilit na itinatago, pero nahayag pa rin lalo na sa mga taga-Central. Hindi lamang po ang pamilya ni Ka Erdy ang nakararanas ng panggigipit at pang-aapi kundi maging ang mga kamag-anak nila, pati na ang mga taong malapit sa kanila. Ang ganito pong krisis sa pamilya ay nasamantala naman ng mga taga-Sanggunian pangunahin ni Ka Jun Santos upang makapagpalawak ng kapangyarihan sa Iglesia. Buhay pa po ang Ka Erdy ay katuwang na po niya ang kaniyang mga anak sa maayos niyang pamamahala sa Iglesia. Subalit pinag aalis silang lahat nang pumanaw na si Ka Erdy. Ang kapansin pansin po habang tinatanggal ang mga Manalo sa panunungkulan sa Iglesia, sinamantala naman ni Ka Jun Santos na ipagpupuwesto ang kaniyang mga anak at asawa sa maseselang posisyon sa Iglesia. Pati nga po si Ka Bienvenido Manalo na bunsong anak ni Kapatid na Felix Manalo at kapatid ni Ka Erdy na siyang pinagkatiwalaan sa Engineering & Construction Department (ECD) ay pinagbalakan ding alisin, ​hindi nga lang nila magawa. Gayonman ay unti-unti nilang nagawang bawasan ng mga gampanin si Ka Bien. Bukod po sa pagiging Head ng Engineering & Construction Department, dati ring saklaw ni Ka Bien ang Maintenance Department, General Services, at Motorpool, na bagamart marami ay nagagampanan niyang maayos ang lahat sapagkat matuwid ang kaniyang pangunguna at naroon ang tunay na malasakit sa kapakanan ng Iglesia. Nagawan ng paraan ni Ka Jun Santos na ang itira na lang na gampanin ni Ka Bien ay ang pagiging Head ng ECD, pero bawas na rin ang trabaho. Sapagkat nagtayo po siya ng bukod na grupo na tinawag na Admin Maintenance na sa bandang huli ay naging parang isa na ring ECD dahil nagre repair at nagtatayo na rin ng kapilya. Nagawan din nila ng paraan na makakuha ng mga tao sa ECD. Noong panahon ni Ka Erdy ay kinokonsulta si Ka Bien sa maraming bagay lalo na sa bahagi ng konstruksiyon, subalit nang siya ay pumanaw na ay halos hindi na nila sinasangguni si Ka Bien. May mga gusali silang naipatayo na hindi na ikinonsulta kay Ka Bien sa halip ay ipinakontrata. Halos saklawin na rin ni Ka Jun Santos ang ukol sa Construction gaya ng ginawa niya sa ibang mga kagawaran. Kung ano na lang po ang gusto nilang ipasang trabaho o proyekto kay Ka Bien at sa ECD ay iyon na lang ang nagagawa nila. Sa panahon po ni Ka Erdy ay isinasangguni kay Ka Bien ang pagtatayo ng kapilya maging sa ibayong dagat, pati ang repair o renovation ng mga binibiling mga gusali na gagamiting dako ng sambahan, subalit ngayon ay hindi na. Sinaklaw na pong lahat ni Ka Jun Santos mula sa pagbili ng lupa na pagtatayuan ng kapilya, pagbili ng mga gusali na irerenovate upang gawing dako ng sambahan. Maging ang pagkuha at pagsusuri sa contractors ay inako na niyang lahat.

Mahigit ​30 taon po akong nakasama ni Ka Bien Manalo sa ECD. Napagtiwalaan ng maseselang gampanin sa Kagawaran mula pa noong panahong nabubuhay ang Ka Erdy. Hayag po sa akin kung gaano ipinagmalasakit at sininop ni Ka Erdy sa tulong ni Ka Bien ang pananalapi ng Iglesia na inilaan sa mga proyektong pang-konstruksiyon, kapilya man o iba pang mehoras. Hangga’t may maisusubi ay ginagawa, subalit hindi isinasakripisyo ang kalidad. Priority sa pinaggugugulan ng abuloy at handog ng Iglesia ang pagtatayo ng mga gusaling sambahan at mga kaugnay na mga mehoras gayundin ang pagkukumpuni ng mga eksistidong mehoras na nagkakaroon ng kasiraan. Matagal na panahon na ang malaking bahagi ng pananalapi ng Iglesia ay ginugugol para sa mga kapilya, halos nasa 80% ng pananalapi ay nakaukol dito. Ang totoo hanggang sa bago papagpahingahin ng Diyos si Ka Erdy ay may pinagtibay po siyang mahigit na 400 chapel projects at nadagdagan pa, sa layuning lipulin ang mga abang kapilya o mga dako na wala na sa kaayusan ang pagsamba, na nakapanukalang tapusing itayo hanggang sa pagsapit ng ika-100 taon ng Iglesia. Hindi na nga lang po inabot ni Ka Erdy ang pagkukumpleto sa mga ito sapagkat pinapagpahinga na siya ng Diyos noong 2009, gayonman ay naikasa na po ni Ka Bien ang sistema ng konstruksiyon para maipatapos ang bilang na ito sa takdang panahon. Samantalang on going ang konstruksiyon ng mga ito, binuksan na ng kasalukuyang Pamamahala ang malalaking proyekto ng Iglesia, ang Philippine Arena, EVM Convention Center, etc. noong 2011. Pinagpaunahan po ni Ka Bien si Ka Jun Santos na sa dami ng binuksang malalaking proyekto ay baka maubusan ng pondo ang para sa mga priority chapel projects, na ang buong giting na sagot niya ay “HINDI PO.” Nakabukod na raw ang pondo para roon kaya huwag daw mag-alala si Ka Bien. Subalit lumipas lang ang halos dalawang taon, bandang second quarter ng 2013 ay dumalang na ang pagbaba sa ECD ng pinagtibay na budget ukol sa kapilya na kasama sa priority projects. Pagdating ng third quarter ng 2013 ay halos wala na talagang bumababang approval kahit pa ng mga for repair na mga kapilya na nasira ng mga nagdaang kalamidad. Sa pagkakataong iyon ay namroblema na si Ka Bien dahil may natatapos na proyekto pero wala namang malipatang bagong proyekto ang mga trabahador. Napilitan pong mag-alternate na lang ng pasok ang mga trabahador sa mga on-going na proyekto para ma-accommodate ang mga nabakante, pero dumating din sa punto na wala na talagang mapaglagyan kaya may mga pansamantalang natigil na trabahador. Sa ganito pong kalagayan ay naglakas-loob na akong sumulat sa Pamamahala upang magfollow-up ng budget ng mga naka-propose na bagong proyekto o hindi man ay ng budget ng mga kapilyang for repair na nasira ng bagyo at lindol sa mga distrito ng Aurora, Nueva Ecija, at sa Visayas. Sa kasawiang palad, sa gayong sitwasyon ay dumating pa ang bagyong Yolanda kaya lalong dumami ang pagawain ukol sa kapilya, gayonman ay wala pa ring napagtitibay sa mga naunang naka-propose na budget. Ayon po kay Ka Gerry Purification ay hindi nagustuhan ni Ka Eduardo ang sulat ko dahil nakikialam na raw kami sa pamamahala sa Iglesia, at dahil dito ay binalaan ako na idedestino sa Tacloban para raw makita ko ang sitwasyon ng mga nasirang kapilya loon, na iyon na ang priority ng Pamamahala sa panahong iyon. Nang iparating ko po kay Ka Bien ang naging reaksiyon ng Pamamahala na ipinarating sa akin niKa Gerry Purification, ay nasabi niya na hindi tayo nakikialam, nagfollow-up lang tayo ng budget, talaga namang gagawin din ang mga iyon. Bukod dito ay marami pa pong ibang mga pangyayari na nagtulak sa akin upang maniwala na may krisis na sa pananalapi ng Iglesia. Ang isa po rito ay ang nabibinbing pagbabayad sa mga utang ng Iglesia sa mga supplier at contractor. Nagtuturuan na po ang Finance at Legal Department kung kanino dapat magfollow-up ng kanilang koleksiyon. Bawat koleksiyon kasi ay nirequire ni Ka Glicerio Santos IV ng Legal na idaan sa kanila ang mga billing statements lalo na ang malalaki kaya mas tumagal ang proseso. Dati po ay matagal na ang dalawang linggo at nababayaran na kaagad ang mga supplier at contractor. Sa episyenteng paraan ng pagbabayad noon ay talagang walang nagiging utang ang Iglesia. Subalit dumating po ang panahon na umabot na nang isang buwan at lumala pa, dahil umabot na ng mga buwan ay hindi pa rin nakakasingil ang mga supplier at contractor. Pati nga po sa Engineering ay nagpafollow-up na rin ang mga naniningil kaya nahihiya na kami sa kanila, wala naman kaming magawa. Pagka nagpafollow-up po ang Engineering ng delivery ng mga materiyales o ng serbisyo na naka-P.O. sa kanila ay madali silang tumutugon upang huwag mabinbin ang mga proyekto. Pero pagdating sa paniningil ay sumasakit na ang ulo nila, dahil hindi naman dating ganoon. Sa ganito pong kalagayan ay sumulat ako kay kapatid na Ernesto Suratos, ang General Treasurer ng Iglesia upang alamin ang talagang sitwasyon ng pananalapi ng Iglesia. Ang sabi niya ay 1-assure ko si Ka Bien na may pera ang Iglesia, huwag mag alala. Mababayaran ang mga utang dahil may darating na pera galing sa Canada, Australia, at Saudi Arabia. Tinanong ko po sa kaniya kung dati nang ginagawa ito ng Iglesia, na para mabayaran ang mga utang ay kukuha ng pondo sa ibang mga bansa. Ang sagot niya ay “HINDI,” malakas lang daw gumastos ngayon dahil sa Arena at iba pang malalaking proyekto. Pabirong sinabi niya, “Joven, ako ay ingat na lang, wala nang yaman.” Nalungkot po ako sa katotohanang nahayag sa pag-uusap naming iyon ni Ka Erning.

​Ang isa pang nagpatibay ng aking paniniwala na may problema na ang pananalapi ng Iglesia ay noong ibenta sa Robinsons ang property sa Ugong. Inaapura ang tauhan namin sa Engineering na lakarin ang ukol sa paglilipat ng metro ng kuryente mula sa lote dahil magbabayaran na raw. Inapura ko naman dahil kailangan na raw ang pera. Tinanong ko po ang nagfollow-up sa akin, na hindi ko na babanggitin ang pangalan para sa kaniyang kaligtasan, kung saan gagamitin ang pera bakit inaapura ang pagbebenta, ang mahinang sagot ay “sa Philippine Arena”, huwag ko na raw ipagsabi dahil magagalit si Ka Jun Santos. Akala ko po ba nang ipanukalang itayo ang PA ay may available nang funds, bakit kailangan pang magbenta ng property, saan napunta ang nakatalagang pondo? Ilan lang po ito sa malilinaw na katunayan na hindi na nagugugol nang maayos ang pananalapi ng Iglesia. Hindi po imbento ang mga ipinahayag ko rito. Ito po, ang totoong nangyari.

Ang babala po sa akin na ako ay idestino sa Tacloban ay naisakatuparan sa pamamagitan ni Ka Radel Cortez. Ipinatawag po niya ako sa kaniyang opisina para sabihin na iniulat ako ni Ka Florencio Padre sa Pamamahala at ang pasiya ay lilipat kami sa Tacloban. Sumunod po kami sa pasiya at nakalipat po kami noong Disyembre 13, 2013, mahigit isang buwan pagkatapos na manalanta ang bagyong Yolanda. Ang paninindigan ko po na igalang ang “office procedure” at ang ibinungang pakikipagsalitaan ko sa foreman na si Ka Padre ay hindi ikinatuwa ni Ka Radel at ni Ka Eduardo kaya natuloy akong idestino sa Tacloban. Ang gusto kasi ni Ka Padre ay kumuha ng materiyales sa Construction Support Facilities (CSF)-Warehouse na nasa Montalban nang hindi na dumadaan sa Engineering. Ang sabi ni Ka Radel sa akin, kapag para sa Pamamahala, kahit hindi na padaanin kay Ka Bien. Sa sinabi po niyang ito ay lalong nahayag sa akin na binabale-wala na nila talaga si Ka Bien. Sinagot ko po siya na hindi ba ang Pamamahala ang naglagay kay Ka Bien sa kagawaran kaya marapat lang na sundin ko ang patakarang ipinatutupad niya sa opisina. Idadaan Lang naman po ni Ka Padre ang kahilingan ng Shop Extension sa Engineering upang maigawa ng requisition na kapag nalagdaan na ni Ka Bien ay maaari nang ibigay ng Warehouse ang materiyales, pero hindi niya ginawa. Pagkatapos ay magdaramdam dahil hindi niya kaagad nakuha ang hinihingi niya? Ang totoo po ay naipadeliver din sa kanila ang naturang materiyales, gayonman ay may pasiya narin sa ​akin. Tanggap ko po iyon sapagkat ang Pamamahala ang nagpasya.

Hindi ko po minasama ang pagkakadestino namin sa Tacloban. Wala pong naging kapaitan sa puso ko. Nakapagdagdag pa nga iyon ng magagandang karanasan sa amin upang lalo naming mapagbuti ang pagtupad ng tungkulin. Saksi po ang mga kapatid mula sa mga lokal na aming kinadestinuhan kung paano namin minahal at ipinagmalasakit ang Iglesia sa kabila ng mahirap na kalagayan ng pamumuhay sa dakong pinagdalhan sa amin.

Nang sumulat po ako sa Pamamahala upang ipaalam na hindi ko na maipagpapatuloy ang pagtataguyod ng aking tungkulin sa aking destino ay ipinarating ko po na isa ako sa mga naghihintay sa gagawin niyang hakbang upang sawatain ang mga katiwalian na umiiral sa Iglesia ngayon. Ikinagalit po nila iyon sa akin. Kaya sa halip na ibaba lang ako sa karapatan ay tuluyan po nila akong itiniwalag kasama ng aking pamilya. Kung maayos lang daw po akong nagpaalam ay hindi hahantong sa ganito. Ang maayos po ba ay iyong pagpapaalam na wala nang babanggiting katiwalian at hindi na mananawagan sa Pamamahala na sawatain ang mga ito? Natiyak na po ba na wala talagang katiwaliang umiiral ngayon? Nagsagawa na po ba ang Pamamahala ng isang honest to goodness na imbestigasyon upang mapasinungalingan ang mga akusasyon laban sa mga taga-Sanggunian? Kung nagsagawa na pero ang inatasang mag-iimbestiga ay iyon ding mga akusado, may hustisya pa kayang makikita ang mga kapatid na naghahanap ng katotohanan? Nakalulungkot po na ang lagi na lang naririnig sa mga tagapagsalita ng Iglesia patungkol sa mga pumupuna ay pawang paninira lang daw ang kanilang ginagawa at wala namang maipakitang ebidensiya. Ang mga kumokontra pa sa katiwalian ang pinalilitaw na masasama at nagsisipanggulo sa Iglesia. Sila ang ginigipit, binabantaan at ginagawan ng lahat ng hakbang mapatahimik lang.

Wala na po ba talagang isa man sa taga-Sanggunian na titindig sa panig ng katotohanan? Hihintayin na lang po ba talaga nila ang pagkilos ng mga kamay ng Diyos para igawad ang paghatol sa mga tiwali? Baka nakakalimutan po nila na bayan ng Diyos ang pinamamahalaan nila. Sila po ang inaasahan ng Diyos na pangunahing magbabantay upang maingatan at huwag mapahamak ang bayan Niya. Sa tingin po ba nila ay nagagampanan pa nila ang kanilang kaukulan sa Iglesia? Kung sa tingin nila ay wala talaga silang ginagawang katiwalian kaya walang dapat baguhin sa sarili nila, nasasa kanila po iyon. Pakatandaan Lang po nila na ang bawat gawa ng tao, mabuti man o masama, maging ang kubling bagay ay ipagsusulit natin sa Diyos, batay sa nakasulat sa Eccl. 12:14. Ang Diyos po ang Huling Hukom at malapit na ang takdang araw ng pagharap nating lahat sa hukuman Niya.

Ang ugat na dahilan ng ​ligalig sa Iglesia ngayon ay ang nabagong pananaw ng ilang mga ministro sa dapat na maging buhay sa loob ng ministerio. Hindi po namalayan ng iba na dito pumasok ang katiwalian sa Iglesia, sa lifestyle ng mga ministro. Ang Panginoong Jesucristo at maging ang Kaniyang mga Apostol ang magandang halimbawa na dapat sundan sa pagdadala ng ministerio. Hindi po nila kinailangang maging marangya ang buhay at pamumuhay upang maging magiting sa pagtataguyod ng kanilang ministerio. Sa halip ay nagtanggi po sila ng sarili at ibinuwis ang kanilang sariling buhay para sa kapakanan ng Iglesia. Hindi po nila isinakripisyo ang kapakanan ng Iglesia para sa kanilang sariling kapakanan. Hindi po nila pinabigat ang pasan ng mga kapatid. Binigyan po nila ng dangal at buong giting na itinaguyod ang kanilang ministerio dahil sa pagmamahal sa Iglesia.

Ito po sana ang inaasahan ng Diyos sa lahat ng mga nasa ministerio ngayon sa loob ng Iglesia. Ang bigyang dangal ang ministerio at ang Iglesia. Marangal po ba na isangkot ang Iglesia sa negosyo at gawing ahente ang mga ministro, manggagawa ng mga produkto ng Unlad Kabuhayan? Kung sa akala nila ay marangal ito, dapat marahil na isama na rin nila ito sa criteria kapag inaantasan ang performance ng mga ministro at manggagawa. Kailangan po ba talagang puhunanin sa negosyo ang abuloy at handog ng mga kapatid para matugunan ang lahat ng pangangailangan Iglesia? Hindi po ba insulto ito sa Diyos na para bagang hindi Niya kayang ipagkaloob ang pangangailangan ng Iglesia sa paglilingkod sa Kaniya? Hindi po ba sa panahon ng bayang Israel ay sapat na ang ikapu na handog ng buong bayan para mapangasiwaang maayos ng mga saserdote ang paglilingkod ng Israel sa Diyos? Sa mga ginawa nilang ito sa Iglesia, sa tingin ba nila ay sa Diyos pa nila dinadala ang mga kapatid? Sa kaligtasan pa po ba nila inihahatid ang Iglesia?

Kapatid na EDUARDO V. MANALO, bilang Tagapamahalang Pangkalahatan ay nasa inyo po ang buong kapangyarihan para lunasan ang krisis ng Iglesia ngayon, siyempre po sa tulong ng Diyos. Hindi po ang solusyon ay sikilin ang mga lumalaban sa katiwalian sa pamamagitan ng walang taros na pagtitiwalag at panggigipit gaya ng ginawa ​sa akin at sa aking pamilya.​Hindi pa po ba ninyo namamalayan na marami nang mga kapatid na lumayo ang loob sa inyo lalo na nang itiwalag ninyo ang inyong sariling ina at mga kapatid sa laman? Paki-subukan po naman ninyong kumausap ng iba, huwag naman pong ang mga nakapaligid lamang sa inyo ang palagi ninyong nakakausap. Paki-abutin na po ninyo ang inyong pinagmulang pamilya, ang lahi ng sugo at ang maraming mga kapatid na naghahangad na maibalik na sa dating tiwasay at payapang kalagayan ang Iglesia. Pakihatid po ninyo ang Iglesia sa tamang daan patungo sa kaligtasan!

Umaasa sa pagbabago,

Joven O. Sepillo Sr.

No comments:

Post a Comment

Comments are moderated by the blog owner.

Thank you and God bless you.