Pages

Friday, March 4, 2016

Opisyal na Pahayag ng Simbahan ng Baclaran Bilang Tugon sa Posting ni Ms. Jenny Arteta II sa facebook noong Marso 1, 2:25 pm

Si G. Jesus San Antonio na ayon kay Ms. Jenny ay mga inapi ng guwardia ng Baclaran Church.
Narito po sa ibaba ang sagot ng BACLARAN CHURCH sa akusasyon ng isang nagngangalang JENNY ARTETA II  na nagsiwalat ng kwento (basahin dito) tungkol sa mag-amang JESUS SAN ANTONIO na para kay Ms. Jenny ay masyadong naapi.

Ngunit ayon sa pamunuan ng Baclaran Church, ang mag-ama ay HINDI PO TOTOONG  API.  Sila pong mag-ama ay NAKITA SA CCTV magkasama, MALAKAS ANG PANGANGATAWAN pati ng bata. Pagdating sa LOOB NG SIMBAHAN, ang BATA ay himalang NAGSAKIT-SAKITAN. Basahin sa ibaba ang paliwanag ng Baclaran Church.

Pakiusap ng Simbahan, bago mag-post na ikasisira ng isang lupon, grupo o samahan ay alamin muna ang buong katotohanan para patas naman ang saloobin ng mga nagkomento.

At sa iyo Ms. Jenny, baka naman pwedeng humingi rin ng tawad sa Simbahang ng Baclaran sa iyong mapanirang kwento sa Facebook.
Opisyal na Pahayag Bilang Tugon sa Posting ni Ms. Jenny Arteta II sa facebook noong Marso 1, 2:25 pm
(Source: Baclaran Church Official)

Una sa lahat, kinikilala namin na totoo ang naramdamang habag at malasakit ni Ms. Jenny Arteta II sa kalunos-lunos na kalagayan ni Jesus San Antonio at kanyang anak. Kung kami rin ay nasa katayuan nya, ganon din ang aming mararamdaman sa unang pagkakita kay Jesus at kanyang anak. Hindi rin namin ija-justify ang naging ugali ng guard doon kay Jesus at kanyang anak. May pagkakamali sa naging approach at aksyon ng guard. Nakausap na namin ang nasabing guard at napagsabihan at napaalalahanan na namin sya ng tungkol sa pangunahing policy ng simbahan—ang bukas na pagtanggap sa lahat ng tao lalong-lalo na ang mga nangangailangan at mga mahihirap. Sa ganitong reputasyon nakilala ang simbahan simula’t sapul nang ito’y itinayo.

Amin ding ni-review ang CCTV ng nasabing insidente sa loob at labas ng simbahan upang mabigyan kami ng kongkretong konteksto ng mga pangyayari. Ang buod ng nakita namin mula sa CCTV ay buhat sa labas ang mag-ama ay pumasok sa simbahan. Ang nakatawag ng aming pansin ay ang anak ay masigla at malakas, at masaya pang naglakad papasok ng simbahan. Pag-upo doon sa upuan ng simbahan saka lamang ito kinalong ni Jesus San Antonio na parang nagmukhang may sakit ang bata.

Pagkatapos na mabasa namin ang posting ni Ms. Jenny Arteta II, kaagad naming pinapunta ang aming social worker sa PGH upang i-verify kung ang anak ni Jesus San Antonio ay naka-confine sa PGH. Sa kasamaang palad walang matagpuang record sa PGH na nakaconfine ang anak ni Jesus San Antonio.

Samantala, naging viral ang posting ni Ms. Jenny sa pamamagitan ng maraming likes at shares. Nalungkot kami sa mga comments na aming nabasa. Subalit may galit din dahil sa maraming mga maling paratang na ibinato sa simbahan, pari at brother ng simbahan. Mga paratang na masasakit at di makatarungan. Di namin maubos maisip kung saan nanggaling ang mga comments sa posting ni Ms. Jenny. Ramdam namin na may halong awa ang ibang mga comments subalit mas marami ang walang habas na paninira sa reputasyon ng simbahan at sa dangal ng mga pari at brother sa simbahan. Wala kaming gaanong nakita na pag-iingat at responsibilidad sa pagbibigay ng komento. Sinentensyahan na ang mga pari at mga staff dito kahit na hindi pa nila narinig ang panig ng simbahan, ng mga pari, brother at staff.

Sa puntong ito ay nais din naming tanungin si Ms. Jenny kung naisip man lamang niya ang consequences ng kanyang posting sa facebook. Kung bago niya pinost iyon sa facebook ay nag-exert man lamang sya ng effort na tanungin ang mga pari o staff ng simbahan tungkol sa katayuan ni Jesus San Antonio.

Ilang araw ding kaming di matahimik dahil sa mga negatibong comments na aming nabasa. May galit pa rin sa aming dibdib subalit ang galit ngayon ay mas napapangibabawan ng pagpapatawad. Pagpapatawad kay Ms. Jenny at sa lahat ng nagcomment sa kanyang posting. Pinapatawad namin sila sapagkat di nila alam ang buong larawan ng pangyayari. Sa kabila ng lahat ng negatibong mga comments, buo at panatag ang aming kalooban na patuloy ang aming paglilingkod sa mga dukha at mga nangangailangan.

Ang aming galit ay napapangibabawan din ng pasasalamat kay Ms. Jenny at sa mga nagkomento. Ang pangyayaring ito ay nagbigay sa amin ng isang window of opportunity upang ilahad ang mga programa at serbisyo ng simbahan lalo na sa mga di nakakabatid dito.

Una sa lahat, maipagmamalaki namin na ang aming simbahan ay ang tanging simbahan na bukas 24/7. Tanging ang simbahan namin ang may staff at madre, na katulad sa mga call centers, ay may pang graveyard shift upang tumugon sa mga pangangailangan ng mga tao. Marami pa kaming ibang programa.

Nariyan ang St. Gerard Family Life Center na nagbibigay ng libreng counselling patungkol sa mga isyu ng pamilya at mag-asawa katulad ng marital infidelity, homosexuality, pre-marital sex, drug addiction, sexual abuse at iba.

Nabanggit ko kanina ang Crisis Intervention Center na nagbibigay ng kagyat ng tulong sa mga lumalapit sa aming sa pamamagitan ng medical, hospitalization, food, transportation, temporary shelter, educational, atbpa.

Mayroong kaming medical/dental Clinic na nagbibigay ng libreng serbisyo sa mga nangangailangan lalo na tuwing Linggo at Miyerkoles.

Mayroong kaming Solidarity Assistance Committee na binubuo ng mga volunteers mula saiba’t-ibang ministry ng simbahan upang tumugon sa mga biktima ng kalamidad katulad ng bagyo, baha, landslide, maging sa mga nasunugan.

Marami kaming pinapag-aral sa kolehiyo sa pamamagitan ng Redemptorist Education Assistance Program.

Marami kaming mga iniligtas na mga bata mula sa lansangan sa pamamagitan ng Sarnelli Center for Street Children. May dalawa kaming center ang Sarnelli Drop-In Center na nagbibigay ng agad na kalinga at programa ng rehabilitation. Pangalawa ay ang Sarnelli Residential Center na nagbibigay ng pangmatagalang serbisyo sa mga batang lansangan katulad ng edukasyon, kalusugan at pabahay.

Nakagpabigay din kami ng vocational and technical training katulad ng food processing, computer at cellphone repair, dressmaking, atbpa, sa mga out-of-school youth at mga walang trabaho sa pamamagitan ng Redemptorist Skills Training and Livelihood Program.

Tumutugon din kami sa mga pangangailangan ng mga OFW at mga migrante at kanilang pamilya sa pamamagitan ng St. John Neumann Center for Migrants.

Sa kabila nito, aaminin namin na may pagkukulang doon sa pangyayari—may pagkukulang sa guard, at may pagkukulang sa mga pari at brother upang matugunan ang lahat ng pangangailangan ng lumalapit sa amin. Sa laki ng problema at sa dami ng mga taong lumalapit sa amin, hindi namin kayang tugunan ang lahat ng kanilang pangangailangan.

Panghuli, nais naming umapela para sa pagkakaroon ng etiketa at responsibilidad sa social media. Matuto sana tayo ng wastong pagpopost at pagbigay ng comment na hindi nakakasira sa dignidad ng ating kapwa. Maganda ang magpahayag ng ating sarili at magpakita ng malasakit sa ating kapwa ng walang sinisiraan na tao.

Sa diwa ng kuwaresma nawa ang pangyayaring ito ay magbukas sa atin ng kahalagahan ng pagbabago sa ating lahat. Pagbabago na nanggagaling sa biyaya at awa ng Diyos.

Maraming salamat sa pagbibigay sa amin ng puwang upang mailahad namin ang aming panig.

Pagpalain nawa tayo ng mahabaging Diyos.
Ipanalangin nawa tayo ng Mahal na Ina ng Laging Saklolo.

Para sa Pambansang Dambana ng Ina ng Laging Saklolo,

Fr. Joey Echano, CSsR
Rector

No comments:

Post a Comment

Comments are moderated by the blog owner.

Thank you and God bless you.