Pages

Friday, October 28, 2016

Muhammad: Espiritu ng Katotohanan sa Juan 16:13?

Mula sa blog ni Kapatid na Cenon Bibe: SAGOT SA BALIK-ISLAM

May mga Muslim na nagsasabi na ang Propeta Muhammad nila ang “Espiritu ng Katotohanan” sa Juan 16:13.

Ginagamit nila ito para sabihing mababasa sa Bibliya ang pagdating ng kanilang propeta. Gusto nilang palabasin na siya ang “Espiritu ng katotohanan na darating at gagabay sa inyo sa lahat ng katotohanan.”

Hindi totoo ang mga sinasabi nila. Simple lang ang mga dahilan:

1. Sinasabi sa Juan 16:13 na Espiritu ang darating. Ang propeta ng Islam ay hindi espiritu kundi isang tao.

2. Sa Juan 16:7 ay sinasabi ni Hesus na Siya ang magsusugo sa Espiritu, na tinatawag ding Advocate (Tagapagtanggol), Comforter (Mang-aaliw) o Paracletos. Hindi si Hesus ang nagsugo sa propeta ng Islam. Ni hindi sila nagkita. EspMatagal nang nakabalik sa langit si Hesus bago pa lumitaw ang propeta ng mga Muslim.

3. Sa Juan 14:26 ay malinaw na kinilala ang Tagapagtanggol, Mang-aalis o Paracletos bilang ang Espiritu Santo. Ang propeta ng Islam ay hindi ang Espiritu Santo. Tao siya – TAO.

+++

MALING SABI NG MUSLIM IPALIWANAG NATIN

ESPIRITU
 Una, maliwanag sa Juan 16:13 na ang darating ay ang “Espiritu.”

Ang espiritu ay walang laman, walang buto, walang dugo. Sa kabaliktaran, ang propeta ng Islam ay isang tao na may laman, may buto at may dugo.

Kaya malinaw na hindi totoo ang sinasabi ng mga Muslim na ang propeta nila ang “Espiritu” na ipinahayag sa Juan 16:13.

SI HESUS ANG MAGSUSUGO
Kung babasahin natin ang Juan 16:7, sinasabi ni Hesus na Siya ang magsusugo sa Espiritu, na tinatawag na Tagapagtanggol, Mang-aaliw o Paracletos.

Sinabi ni Hesus sa Juan 16:7, “Siya’y susuguin ko sa inyo.”

Itanong natin sa kahit na sinong Muslim kung si Hesus ang nagsugo sa propeta nila at baka mainsulto pa sila. Para kasi sa kanila ay propeta lang si Hesus, kaya sa isip nila ay paanong susuguin ng isang propeta (Hesus) ang isa pang propeta (Muhammad)?

Dahil diyan, muling makikita na mali ang sinasabi ng mga Muslim na ang Propeta Muhammad nila ang tinutukoy sa Juan 16:13.

ANG ESPIRITU AY ANG ESPIRITU SANTO
Walang duda na ang Espiritu sa Juan 16:13 ay ang Espiritu Santo dahil malinaw na sinasabi sa Juan 14:26 na ang Tagapagtanggol o Mang-aaliw o Paracletos ay ang Espiritu Santo.

JUAN 14:26
“Datapuw’t ang Mang-aaliw, samakatuwid baga’y ang ESPIRITU SANTO, na susuguin ng Ama sa aking pangalan, Siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay, at magpapaalala ng lahat na sa inyo’y aking sinabi.”

Muli, malinaw na mali ang sinasabi ng mga Muslim na propeta Muhammad nila ang Espiritu na darating ayon sa Juan 16:13. Bagsak at wasak ang inaangkin nilang ito.

BAKIT NAGPIPILIT SA MALI ANG MUSLIM?
Desperado na ang ilang Muslim na maghanap ng patunay na sugo ng Diyos ang kanilang propeta.

Marami nang Muslim ang umamin sa atin na hindi kailanman kinausap ng Diyos ang kanilang propeta. Aral kasi nila na hindi kailanman kinausap ng Diyos ang sino mang tao.

Ibig sabihin, kung hindi kinausap ng Diyos ang propeta nila ay hindi pwedeng sinugo mismo ng Diyos ang kanilang propeta. Hindi kinausap ng Diyos si Muhammad para suguin bilang propeta o mensahero sa sangkatauhan. Sa madaling salita ay hindi sinugo ng Diyos ang propeta ng Islam.

TUNAY NA PROPETA SINUGO MISMO NG DIYOS
Ikumpara natin ang propeta ng Islam sa mga propeta ng Diyos sa Bibliya.

Sa Bibliya ay Diyos mismo ang pumili, kumausap, tumawag at nagsugo sa mga propeta.

Halimbawa si Moises na personal na tinawag at kinausap ng Diyos sa Exodo 3:4. Sa Exodo 3:6 ay nagpakilala mismo ang Diyos kay Moises. At sa Exodo 3:10-15 ay personal na sinugo ng Diyos si Moises para hanguin ang bayan ng Diyos sa Ehipto.

Ganun din ang nangyari sa iba pang propeta tulad nina Samuel (1Sam 3:10), Elijah (1Kings 17:2-9), Isaiah (Isaiah 7:3), Jeremiah (Jeremiah 1:4-10), Ezekiel (Ezekiel 2:1-9) at iba pa.

Ayon sa mga Muslim, ang kanilang propeta ang “huling sugo.”

Ang problema nila ay paano nila masasabing “sugo” ang kanilang propeta kung aminado silang hindi ito tulad ng mga tunay na propeta sa Bibliya? Ang mga tunay na propeta ay kinausap at sinugo mismo ng Diyos. Ang propeta nila ay hindi man lang kinausap so paano susuguin?

MUSLIM DESPERADO NA
Dahil hindi man lang kinausap at hindi personal na sinugo ng Diyos ang kanilang propeta ay desperado ang ilang Muslim kung paano patutunayang tunay siyang sugo.

Ano ang silbi ng isang propeta kung hindi siya tunay na sugo o walang patunay na sugo nga ng Diyos?

Paano niya masasabing dala niya ang mga salita ng Diyos kung ni hindi niya narining ang mismong salita ng Diyos?

Paano madadala ng isang propeta ang mensahe ng Diyos kung siya mismo ay hindi narining ang mensahe mula sa Diyos? Lalabas na salita lang niya ang kanyang ipinahahayag. Hindi sa Diyos.

May maniniwala ba sa ganung uri ng propeta?

PROBLEMA NG MUSLIM
Iyan ang malaking problema ng mga Muslim kaya pilit silang naghahanap ng mga talata na susuporta sa kanilang propeta.

Kaya pilit nilang iniuugnay ang Juan 16:13 sa kanilang propeta. Ganun din ang ginagawa nila sa Exodo 18:18, Genesis 17:20, Isaiah 29:12, Awit ni Solomon 5:16 at iba pa.

Ang masaklap ay kinakailangan nilang baluktutin ang mga talatang iyan para lang mailapat sa propeta nilal.

HINDI PROBLEMANG KRISTIYANO
Lalong nagiging desperado ang ilang Muslim dahil hindi iyan problema ng mga Kristiyano.

Diyos mismo ang nagtatag sa Kristiyanismo. (Mateo 16:18, Mga Gawa 2:1-4)

Diyos mismo ang tumawag sa mga unang Kristiyano (Mateo 4:18-22) at Diyos mismo ang nagsugo sa kanila upang dalhin ang Kanyang mensahe sa sanlibutan. (Mt 28:19-20)

Diyos din mismo ang pumili ng mga pinuno ng Kanyang relihiyon. (Mt 16:18; John 21:15-17)


So, mauunawaan natin ang malaking problema ng mga Muslim kung bakit pilit silang naghahanap ng talata para isuporta sa propeta nila. 

---------------------------------------------------------------------------------------------------

Iba pang mahahalagang basahin: 
The Holy Spirit

No comments:

Post a Comment

Comments are moderated by the blog owner.

Thank you and God bless you.