Pages

Tuesday, January 1, 2019

Enero Uno: Kapistahan ng Kadakilaan ni Maria Ina ng Diyos

Originally Posted at Iglesia ni Cristo 2000 Blog


MARIA, INA NG DIYOS.

Isang malaking balakid para sa mga kalaban ng tunay na Iglesia ni Cristo ang isa sa mga titulo ng Inang Birheng Maria bilang INA NG DIYOS. Sa mga Protestante, hindi parepareho ang kanilang pananaw tungkol kay Maria. Ang mga Lutherans ay hindi katulad ng mga Anglicans o mga Episcopalians. Ganon din ang mga Calvinist, Presbyterian, Methodist at iba pang mga sinaunang grupo ng mga Protestante. Sila ay maituturing nating iba rin sa mga evangelicals (o mga "Born Again") at hindi rin sila sumasang-ayon sa bawat isa sa mga Baptist, at hindi rin sila katulad ng mga paniniwala ng mga Pentecostals. Sa Pilipinas, ang mga kaanib sa iglesiang tatag ni Ginoong Felix Manalo ang madalas na kumakalaban sa Iglesia Katolika sa radyo man, telebisyon o sa mga limbag na magasin at aklat. Ang Iglesia Ni Cristo®-1914 ay kabilang sa sangay ng Protestante na kung tawagin ay "Restorationists" at kabilang sila sa mga ereheng sumasalungat sa Doktrina ng Trinidad na kung tawagin ay mga Unitarians (halos silang lahat ay sumulpot sa Estados Unidos o Europa).

Ngunit ang isang bagay na sila'y nagkakaisa, ito ay ang kanilang pagtutol sa mga parangal na ibinibigay ng mga Katoliko at mga Orthodox kay Maria bilang INA NG DIYOS (THEOTOKOS). 

Bakit nga ba si Maria ay tinatawag ng 'Ina ng Diyos'? 

Ang titulong ikinabit kay Inang Birheng Maria ay hindi parangal sa kanya bilang tao kundi ito ay PAGPAPATIBAY sa katotohanang si JESUS AY DIYOS!


Ang pagtawag kay Maria bilang 'Theotokos' (God-bearer) o Ina ng Diyos ay hindi na bago sa kasaysayan ng Santa Iglesia. Ito ay matagal nang pinaniniwalaan at sinasampalatayanan ng Unang Iglesia. At upang mapanatili ang pangkalahatang paniniwalang ito, sa Konsilyo ng Efesus (431 A.D.) ginawang opisyal ang titulo ng Inang Maria bilang "Ina ng Diyos".
"Kung ang sinuman ay hindi magpapahayag na ang Diyos ay tunay na Emmanuel (nagkatawang-tao), at sa saligang ito ang banal na birhen ay ang" Theotokos "(sapagkat ayon sa laman ipinanganak niya ang Salita ng Diyos, naging laman sa pamamagitan ng Kanyang pagsilang) siya nawa ay itiwalag." (If anyone does not confess that God is truly Emmanuel, and that on this account the holy virgin is the "Theotokos" (for according to the flesh she gave birth to the word of God become flesh by birth) let him be anathema. -The Council of Ephesus, 431 AD)
Bakit hindi na lamang tawaging 'Ina ni Cristo'?

Tanggapin man natin o hindi, hindi lahat ng mga taong nagsasabing sila'y mga 'Kristiano' ay naniniwalang si Cristo ay Diyos. Isa na rito ang mga kaanib ng INC™-1914. Para sa kanila, si Cristo ay TAO LAMANG.
“TAO rin ang kalagayan ng ating Panginoon Jesucristo sa Kanyang muling pagparito sa araw ng paghuhukom. Hindi nagbabago ang Kanyang kalagayan. Hindi Siya naging Diyos kailanman! TAO ng ipinanganak, TAO ng lumaki na at nangangaral, TAO ng mabuhay na mag-uli, TAO nang umakyant sa langit, TAO nang nasa langit na nakaupo sa kanan ng Diyos, at TAO rin Siya na muling paririto.” -PASUGO, Enero, 1964, p. 13 (Sinulat ni Emiliano Agustin)
Sa kanilang opisyal na limbag na magasing Pasugo na ating sinipi sa itaas, ang Iglesia Ni Cristo®-1914 ay pinagdidiinan ang pagka-TAO ni Jesus at TINATAKWIL ang Kanyang orihinal na kalikasan bilang Diyos.

Taliwas sa mga bagong sulpot na relihiyon sa Pilipinas, ang orihinal na Iglesia, si Cristo na ITINATAG NI mismo ni CRISTO ay naniniwalang HINDI LAMANG TAO ang Panginoong Jesus kundi SIYA AY DIYOS at NAPARITO ayon sa LAMAN (naging TAO). Kaya't sa maikling salita, si Cristo ay TOTOONG DIYOS at TOTOONG TAO at sa kabuuan ng kanyang 'essence at being' SI CRISTO AY IISA, hindi siya kalahating Diyos at kalahating Tao. O hindi siya dalawa (Jesus na Diyos at Jesus na Tao) kundi IISA ANG PANGINOONG HESUCRISTO. Si CRISTO ay DIYOS bago isilang; DIYOS pa rin hanggang ipinanganak ayon sa laman (sa pamamagitan ni Maria) at naging TAO (Juan 1:1-4, 14) at Diyos pa rin hanggang sa kanyang pagbabalik (paghuhukom)!

Iyan ang PINAGDIDIINAN sa SULAT sa mga HEBREO (13:8)  na ang Panginoong Jesucristo ay MANANATILING SIYA KAHAPON, NGAYON AT MAGPAKAILAN MAN.

Kaya't kung si CRISTO ay DIYOS noon, siya ay mananatiling DIYOS ngayon, at DIYOS pa rin MAGKAILANMAN hanggang sa Kanyang paghuhukom.

Malinaw itong sinampalatayanan ni Apostol San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Filipos:
"Taglayin  ninyo ang mga damdamin na tinaglay din ni Cristo Jesus, na bagaman NASA KANYA ANG KALIKASAN NG DIYOS ay hindi niya inangkin ang matulad sa Diyos; sa halip ay pinawi ang sarili, kinuha ang kalikasan ng alipin at TUMULAD SA MGA TAO." (Ang Banal na Biblia)
Para kay Apostol San Pablo, si Cristo ay taglay ang KALIKASAN NG DIYOS ngunit sa Kanyang kababaang-loob ay KINUHA ang KALAGAYAN BILANG TAO, naging animo'y alipin, masunurin hanggang kamataya ~ oo, kamatayan sa Krus.

Kaya't sa mga KATOTOHANANG ating binanggit, ang IPINANGANAK ng Inang Birhen ay DIYOS NA TOTOO. Samakatuwid, si MARIA AY INA NG DIYOS! (CCC 963)

BABALA NG BIBLIA AT NG SANTA IGLESIA

Ang babala ay mula kay Apostol San Juan (1 Juan 1:2-3), ang sinumang HINDI TANGGAP si CRISTO (Diyos) na NAPARITO SA LAMAN siya ay ANTI-CRISTO!

Batid ni Apostol San Juan ang PAGDATING na mga EREHE at mga HUWAD NA MANGANGARAL mula noong IKA-16 SIGLO sa Europa hanggang dumating ito sa Pilipinas noong 1900's at umusbong ng husto noong 1914.

"Sapagkat nagkalat sa daigdig ang maraming mandaraya na ayaw kumilala na si Jesucristo ay nagkatawang-tao; ganyan nga ang mandaraya at ang anti-Cristo. Mag-ingat sana kayo..." (2 Juan 1:7-8a Ang Mabuting Balita)
Ang di-pagtanggap kay Maria bilang INA NG DIYOS ay katulad ng hindi rin pagtanggap kay JESUCRISTO bilang DIYOS na NAGKATAWANG-TAO.
"If anyone does not confess that God is truly Emmanuel, and that on this account the holy virgin is the "Theotokos" (for according to the flesh she gave birth to the word of God become flesh by birth) let him be anathema". -The Council of Ephesus, 431 AD
At sa mga katulad nila, ibilang sila bilang mga kampon ng kasamaan, mga bulaan, mandaraya, manlilinlang ~ mga ANTI-CRISTO!


No comments:

Post a Comment

Comments are moderated by the blog owner.

Thank you and God bless you.