Ang ginigipit na pamilya ni Lowell Menorca II (Photo Source: Manila Bulletin) |
Hindi layunin ng post na ito na siraan ang pamunuan ng Iglesia Ni Cristo (1914) bagkus nais lamang nating matulungan si G. Lowell Menorca II na maiparating sa mga tao ang kanyang saloobin ukol sa pangambang hinaharap ng kanyang pamilya matapos na siya ay mapagbintangang kasama raw siya ng may ari ng isang blog na si Antonio Ebangelista. Dalangin natin na sa lahat ng mga NAAAPI at nawawalan ng pag-asa ay masumpungan nawa nila ang tanging pagkalinga at paggabay ng ating Diyos at Panginoong Jesus na siya lamang ang maaaring takbuhan ng mga walang kumakalinga. -CD2000
READ: Former INC member Lowell Menorca's statement
ABS-CBN News
Posted at 03/10/16 9:38 PM
Lowell Menorca II, a former Iglesia ni Cristo (INC) member, issued a statement Thursday, days after he and his family left for Vietnam last Sunday.Menorca was earlier reported missing. Menorca; his wife, Jinky; and daughter, Yurie Keiko were supposed to attend the hearing before the appellate court's 7th Division where INC lawyers were supposed to continue their cross-examination of Menorca on the latter's writ of amparo petition against INC leaders led by Executive Minister Eduardo V. Manalo.The Menorcas fled the Philippines allegedly due to death threats, including one against their daughter, according to his lawyer, Trixie Cruz-Angeles."It scared him so much that he proceeded to the airport so that he could secure his family," Angeles said.The INC camp said it is exploring legal options following Menorca's travel to Vietnam, including asking the court to strike out his testimony from record.INC collaborating counsel Moises Tolentino Jr. said they were surprised by Menorca's departure, adding that he was supposed to cross-examine him Monday morning.The case stems from the alleged abduction of Menorca and his family and their househelp Abegail Yanson by the INC because of alleged suspicions he is behind the "Antonio Ebanghelista" blog that has been posting on social media against supposed corruption within the religious sect.This is Menorca's full statement Thursday:"Ako po ay sumusulat sa inyo ngayon hindi bilang isang dating Manggagawa sa Iglesia Ni Cristo (INC) na handang harapin ang anumang banta at panganib dahil sa paninindigan na isiwalat ang ginawa ng Pamamahala ng INC sa amin simula sa pagpapadukot sa Sorsogon, pagpapakulong sa Dasmarinas, Cavite para sa isang kinathang kaso, pagpapa-detain sa amin sa INC Central compound at patuloy na pangha-harass sa amin, na dahil dito nakahanda akong ibuwis ang aking kalayaan at buhay para lamang maninidigan at ipaglaban ang katotohanan. Ngayon po ay sumusulat ako sa inyo bilang isang pangulo ng sambahayan na labis na nangangamba para sa kaligtasan ng kaniyang pamilya.Bakit nga ba ako natulak sa pagpapasya na lumikas ng bansa sa kabila ng nakaambang panganib na maharang sa airport at maipakulong na muli?Sariwang-sariwa pa sa aming alaala ang karimarimarim na tagpo nang kami ay pasukin sa mismong compound ng Kapilya ng Iglesia Ni Cristo sa Lokal ng Butag, Sorsogon noong July 16, 2015, kung saan mga armadong pulis ng Quezon City Police District (QCPD) pa ang pumasok katulong ang mga kinasangkapan nilang mga Ministro sa pamumuno ni Ka Benefrido Santiago, dating Sanggunian, upang kami ay dukutin. Iyon ang unang pagkakataon na inilagay nila sa panganib ang aking pamilya sapagkat maging ang aking maybahay na si Jingky, ang anak naming si Yurie at ang aming kasambahay na si Abby ay pinilit nilang sumama sa kanila kahit pa labag sa kanilang kagustuhan. Sinamsam din nilang lahat ng aming mga personal na mga kagamitan. Sa kabila ng kanilang paggamit sa kapulisan upang gumawa ng isang aktibidad na labag sa batas, nagawa pa nilang pasamain ang aking pangalan sa mga tao sa Lokal doon sa pamamagitan ng pagkakalat ng mga kasinungalingan laban sa amin. Pinatunayan lamang nilang muli na kaya nilang gawin ang kahit anong gusto nila at walang makapipigil sa kanila.Nagawa nilang ipakulong ako sa DasmariƱas City Jail gamit ang isa pang kaanib sa Iglesia Ni Cristo na kasalukuyang City Prosecutor ng DasmariƱas. Pagkilapas ng siyam (9) na araw ay pinakawalan din ako dahil sa dumarami na ang media na pumupunta doon na gusto akong ma-interview at malaman ang totoong nangyari sa akin. Akala ko ay makakapiling ko na ang aking pamilya at malaya na kaming makapamumuhay ng payapa. Subalit sa halip na kami ay palayain, pinalabas nilang ako ang may kahilingan na kami ay kupkupin ng Pamamahala sa loob ng Central, kaya sa loob ng ilang buwan ay nagawa nilang i-detain kami sa loob mismo ng Central ng labag sa aming kagustuhan at karapatan. Pinabantayan kami sa mga gwardya saan man kami naroroon at ilang beses silang gumawa ng mga eksena para palabasin na normal lang ang aming buhay at hindi kami illegally detained. Dahil sa kawalan namin ng kapangyarihan sa aming kalayaan at kalagayan, sumunod kami sa lahat ng kanilang kagustuhan at sinabi ang anumang gusto nilang ipasabi sa amin. Sa madaling salita ay nagpanggap kami na kumakampi na sa kanila para lamang tigilan na nila ang interrogations nila sa akin patungkol sa mga taong nasa likod ng blog writer na si Antonio Ebangelista. Nagmistulang parang bangungot ang aming buhay dahil sa kabila ng katotohanang binibigyan nila kami ng pagkain at iba pang pangangailangan namin subalit nananatili kami sa isang presong may gintong rehas sa loob ng banal na lugar ng Central. Mahirap itong maunawaan ng ibang tao lalo na ng mga taong wala direktang kabatiran ukol dito kaya kung anu-anong kasinungalingan ang ipinakakalat nila sa mga kapatid para lamang pasinungalingan ang katotohanan. Kaya marami ang mabilis na tumalon sa konklusyon na naninira lamang daw ako at nanggugulo samantalang kahit saang anggulo nating titingnan, kami ang biktima at hindi sila. Ang nakakapagtaka pa ay lahat ng mga taong may pinakamaraming opinyon at nasasabi ukol sa mga bagay na iyon ay ang mga taong wala naman sa mga pagkakataong iyon at lalong walang personal na kaalaman ukol doon.
Kahit nang kami ay ma-rescue na mula sa aming illegal detention nung araw na nagsampa ng petisyon sa Supreme Court ang aking kapatid at hipag para sa amin, hindi pa rin sila tumigil ng kakatugis sa amin lalo na ng nagsimula na kaming magsalita ng katotohanan ukol sa tunay na nangyari sa amin. Bagama't mahirap tanggapin ito lalo na ng mga kapatid na walang kabatiran sa tunay na nangyayari sa Pamamahala sa Iglesia, subalit ito ang katotohanan at mayroon kaming mga katunayan na mga papatotoo sa lahat ng aming sinasabi. Ito ang pinaka-dahilan kaya lahat ay ginagawa ng Sanggunian upang takutin kami para manahimik na lamang. Hindi pa namin nailalabas ang lahat ng aming mga ebidensya dahil sa hindi pa tapos ang hearing sa writ of habeas corpus at writ of amparo. Pagkatapos ay saka kami magsasampa ng mga kaukulang kasong criminal sa mga taong may kinalaman sa aming kidnapping, attempted murder at illegal detensyon, na ilan lamang sa aming mga isasampang kaso at maging sa mga abogado na pumilit sa amin na pumirma ng mga dokumento kahit na alam naman nila na ang mga iyon ay pawang mga kasinungalingan.Kayang kaya ng INC na magpakidnap, magpakulong, magpa-illegally detain, mang-harass, manggipit at tumugis ng tao kailan man nila gusto dahil sa paniniwala nila na angat sila sa batas. Hawak nila ang maraming tao na nakaupo sa matataas na posisyon sa gobyerno. Kung hindi man nila hawak ay kaya nilang bilhin. Kaya ano ang magagawa ng isang karaniwang mamamayang katulad ko laban sa mga taong katulad nila na may labis na pera at kapangyarihan na mag-hire at magbayad ng mga abogado at makapagpakilos ng mga tao para gawin ang kanilang bawat maibigan ng walang tanung-tanong o reklamo. Subalit kapag nagsalita na sila sa media at sa mga kapatid ay napakadali nilang ideklera na sila daw (INC) ang biktima, isang napakamakapangyarihang organisasyon, mula sa iisang ordinaryong taong katulad ko? Hindi ba nila nauunawaan na nagmistulang katawa-tawa sa madla ang kanilang pahayag na ito?Lahat ng ito ay dahil sa pagtugis nila sa isang blog writer na si Antonio Ebangelista, na dahil sa hindi nila alam kung sino sya at nasaan siya at kung paano sagutin ng kapanipaniwala ang mga isinisiwalat nyang katiwalian ng mga nasa Sanggunian ng Iglesia Ni Cristo, kaya mas pinili na lamang nilang patahimikin ang lahat ng mga may kinalaman sa likod ni A.E.Sa kabila ng mga ito, nagpasya kaming maninindigan at harapin ng buong tapang ang lahat ng ihahagis nila sa amin at gagawing paninira sa amin. Kahit pa makulong ako ng paulit-ulit ay ipaglalaban pa rin namin kung ano ang alam naming totoo. Kahit ilang beses nilang ipagsigawan na wala silang kinalaman sa sapin-sapin na mga kaso ng libelo laban sa akin subalit hindi nila maikakaila na halatang-halata na sila ng buong mundo. Papaano pa ba nila masasagot kung papaanong iba't-ibang miyembro ng SCAN mula sa iba't-ibang lugar sa Pilipinas ay nagsampa ng kaso sa akin samantalang hindi kailanman pinahihintulutan ng Pamamahala sa Iglesia noon na magsampa ng kaso ang mga kapatid gamit ang pangalan ng organisasyong gaya ng SCAN ng walang pagpapaalam at pahintulot mula sa tagapamahalang pangkalahatan at ang gagawa nito ay binababa sa tungkulin o tinitiwalag sa Iglesia, maliban na lang kung talagang binago na nila ang maraming mga tuntunin sa Iglesia para lamang pagtakpan ang kanilang mga maling gawain. Sa palagay ba nila ay mga mangmang ang mga tao para hindi makita ang ginagawa nilang paggamit sa batas upang ipanggipit lamang sa mga taong katulad ko? At katakataka na napapasunod nila ang mga Prosecutors at Judges na mabilisang ipasa ang mga kaso para lamang makapagpapalabas ng mga warrant of arrest. At ngayon nga, ang mas lalong ipinagtataka namin ay nagawa pa ng isang Judge na maglagay ng bail na nagkakahalaga ng P120,000 para lamang sa isang kaso ng libelo samantalang ang pangkaraniwang bail sa ganitong charge ay P10,000 lamang. Heinous Crime na ba ang libelo, o sa akin lang aplikable iyon? Dito namin lalong napatunayan na talagang napaka-makapangyarihan ng Iglesia Ni Cristo at kaya nilang gawin ang anuman at pakilusin ang sinuman at kasangkapanin pa ang batas laban sa kanino mang tao na ituturing nilang kalaban. Sila na yata ang pinakamakapangyarihang BULLY na nasaksihan namin at matatakot nga naman ang sinuman sa kanila dahil kung ang mismong mga politiko ay walang magawa para tulungan ang mga taong katulad namin sa panahon ng ganitong panggigipit, ano pa kaya ang maaasahan naming hustisya? Maging ang mga politiko, lalo na ang mga tumatakbo sa pagkapangulo ng bansa ay nagkikibit-balikat na lamang at nagbubulag-bulagan dahil na rin sa takot na makabangga ang Iglesia Ni Cristo at mawala ang botong inaasam-asam nila rito. Kung ang mga awtoridad, mga politiko, mga hukom, mga kinikilala at makakapangyarihang tao mismo ay takot banggain ang INC, paano na lang kaya ang hustisyang inaasahan ng isang taong katulad ko?Sa tindi ng pinagdaanan ng aking pamilya para sa paninindigan sa katotohanan at katarungan, nagsikap pa rin akong tiisin ang kanilang mga panlalait sa akin sa social media, paninira at pagbabanta dahil sa alam namin kung ano ang totoo. Ilang beses na nila akong ipinakulong, kinaya ko yun. Pilit nila akong sinisiraan ng dangal, tiniis ko iyon. Lahat na lang ng pananakot at pang-aalipusta ay ginawa nila para lamang masiraan ako ng loob subalit tiniis ko ang lahat ng iyon at pilit na naging matapang upang harapin ang lahat ng kanilang pagyurak sa akin. Subalit dumating na sa sukdulan ang lahat ng ito nang pati ang anak ko ay pinagbantaan na sasaktan. Nagdurugo ang puso ko na kinailangan kong umalis sa kalagitnaan ng labanan subalit kailangan ko munang ilikas ang pamilya ko para sa kanilang kaligtasan. Kung dahil dito ay tinatawag ako ng mga walang puso kong mga kalaban na "duwag", ang masasabi ko lang ay sana kaawaan kayo ng Diyos na hindi ninyo maranasan at ng pamilya ninyo ang hindi-makataong mga pinagagagawa sa akin ngayon.Ito ang dahilan kaya madalian kaming lumikas noong nakaraang Linggo. Noong Sabado pa nga ay naghahanda na kami ng aking abogado para sa pagharap sa Court of Appeals ng Lunes sa kabila ng mga banta sa aming buhay at sa nakaambang pagdakip muli sa akin ng mga Pulis para sa mga warrant of arrest na ipinagmamalaki nila sa kanilang mga online sites. Nais talaga nilang takutin ako para lamang hindi na ako makatuloy sa hearing at mapilit nila ang hukuman na ibasura ang testimonya ko dahil sa kung mababasa nyo lang ang mga affidavit mula sa panig ng INC ay mahahalata ninyong napakalaki ng pinagtatakpan nila. Subalit nang makita ko ang papel na iniwan nila sa aming sasakyan sa safehouse na kung saan ay nakaprint ang picture ng aming mag-anak at may ekis sa mukha ng aking anak at may nakalagay na "MARCH 7, 2016 SAY GOODBYE!!! - MANDIRIGMA" na siya ding petsa ng hearing namin sa Court of Appeals, gumuho na ang aming mundo. Dito na ako tuluyang nawalan ng pag-asa na makakuha ng hustisya sa hukuman mula sa ating bansa. Muling nanariwa sa aking alaala ang lahat ng ginawa nilang karahasan sa amin at ang katotohanang wala silang hindi kayang gawin para lamang mapagtakpan ang kanilang mga kasalanang nagawa. Dahil dito ay nagpasya na kaming lumikas at ilagay muna sa ligtas na lugar ang aking pamilya. Kaya kahit na napakalaki ng aming pangamba na ang impluwensya ng Iglesia Ni Cristo, na kilalang kilala sa Bureau of Immigration, nakipagsapalaran na lamang kami para lamang iligtas ang buhay ng aming anak.Pagdating sa Immigration sa airport, hinarang na kami dahil sa mayroon daw lumabas sa computer na notice tungkol sa akin. Sinabihan akong pumunta sa may dako ng supervisor at kakausapin daw ako. Habang ginagawa nila ang initial report at tinanong ko ang isang immigration officer kung bakit kami hindi pinalusot sa immigration, ang sagot sa akin ng immigration officer ay dahil daw sa nasa watchlist ako. Nakiusap ako na payagan nila kami dahil sa panganib sa aming buhay lalo na sa aking anak, ipinakita namin sa kanila ang kopya ng death threat sa aming anak at papayag na akong makulong muli basta makaalis na lamang ang aking mag-ina. Nagmakaawa na ang aking asawa dahil hindi daw nya kayang iwanan ako dahil alam nya kung anong maaaring gawin ng mga taong tumutugis sa akin at alam nyang oras na iniwan nila ako ay hindi na nila ako muling makikita ng buhay.Sa pagkakataong iyon ay punong puno na ng hinagpis ang aking dibdib dahil sa kawalan ng kakayanan at labis na habag sa aming kalagayan. Wala na akong nagawa kundi ipikit na lamang ang aking mga mata at buong taimtim na nanalangin kasama ang aking pamilya habang tumutulo ang mga luha sa aming mga mata, tinanggap ko na lang sa aking puso kung ano man ang kalooban ng Panginoong Diyos para sa akin ang siyang matupad at huwag ang kalooban ko o hangarin ko ang masunod. Pinayapa ko na ang aking asawa at pinakiusapan sya na umalis na sila ni baby palabas ng bansa para kahit papaano ay maligtas sila, halos ipagtabuyan ko na ang aking asawa subalit talagang ayaw nya akong iwanan. Ayaw kong sumama pa sila sa presinto kapag ibinigay na ako sa pulis dahil baka ano pang mangyari sa kanila at iyon ang hindi ko na kakayanin pa. Subalit dahil sa awa ng Panginoong Diyos, kinasangkapan niya ang mga opisyales ng Bureau of Immigration upang payagan kaming makapagbyahe. Upang maingatan ang mga mabubuting tao na tumulong sa amin mula sa Bureau of Immigration ay hindi ko na babanggitin ang iba pang detalye, sapagkat ang ginawa nila ay makatwiran lamang, makatao at sangayon sa batas at hindi ayon sa kagustuhan ng sinomang tao o organisasyon lamang. Ang lahat ng ito ay mapapatotohanan ng mismong mga tao na saksi sa mga naganap sa pagkakataong iyon.Hindi kami makapaniwala na mula sa kawalan ng pag-asa ay muling ipinihit ng Panginoong Diyos ang aming sitwasyon upang saklolohan kami at iligtas. Hinintay muna namin na makalapag na ang aming eroplano sa aming layover bago kami nag-post ukol sa nangyari. Ngayon sa final country of destination na kami, kampante na akong nakasulat sa inyo dahil ligtas na ang aking sambahayan.Isa lamang ang natitiyak ko, hinding hindi namin tatalikuran ang katotohanang aming ipinaglalaban. Titiyakin ko muna ang kaligtasan ng aking pamilya at ipagpapatuloy ko ang pagsisiwalat ng katotohanan at ipaglaban ang katarungan at higit sa lahat ay maihayag ang mga karumihan at katiwalian sa INC upang malinis itong muli at maibalik sa dating kadalisayan at kalinisan. Wala kaming ibang dahilan kung bakit namin ginagawa ito, hindi ito pakinabang, manapa ay nawala na ang lahat sa amin at patuloy pa na nanganganib ang aming buhay at kaligtasan, subalit walang maaaring humadlang sa pagsisiwalat ng katotohanan at kalooban na ng Ama na ihayag ang lahat ng mga kamaliang ito ng dating malinis at banal na Iglesia Ni Cristo. Patayin man nilang kaming lahat, titiyaking kong nailabas ko na lahat ng ebidensya na alam na alam ng mga nasa Sanggunian na hinding hindi nila kayang pasinungalingan, mga ebidensyang tiyak na hindi alam ng mga abogado ng ACCRA subalit alam ng mga nasa Sanggunian kaya ganun na lamang ang kanilang galit ng nakalabas ako ng bansa at kaya hanggang ngayon ay pinatutugis pa rin nila ako at sari-saring paninira pa ang kanilang ipinalalabas para lamang i-discredit ako.Hindi na ito ang ugaling Kristiyano na kinagisnan ng marami sa loob ng Iglesia Ni Cristo. Hanggang kailan kaya nila paiiralin ang poot, karahasan at panggigipit sa kapwa tao? Kami ang biktima ng panggigipit at pananakot subalit kahit saan kayo tumingin, hindi sila tumitigil ng paninira, pagkatha ng kasinungalingan at pagbabanta sa amin. Subalit anoman ang paninirang gusto pa nilang ibatikos sa akin lalo na ng mismong mga Ministro at mga kaanib sa Iglesia, ay hindi ko na pinapansin dahil sa ang mahalaga sa akin ay ligtas ang aking mga mahal sa buhay at malaya kong maihahayag ang buong katotohanan. Kaya kung ang sinoman ay nagnanais na batikusin, alipustahin, murahin o siraan ako, sige lang po gawin nila iyon, subalit tiyakin muna nilang kaya nilang humarap sa salamin at sabihing wala silang anumang bahid ng kapintasan o kasalanan na gaya ng Panginoong Jesucristo, saka nila ako pagsalitaan ng kahit anumang paninira o personal na pag-atake at buong kababaang-loob ko itong tatanggapin. "...let the one who has never sinned throw the first stone!" (John 8:7 NLT)Ang Panginoong Diyos na lamang ang aming tanging pag-asa na siyang nagligtas, nagliligtas at patuloy na magliligtas sa amin sa harap ng pinakamalalaking pagsubok sa aming buhay at pananampalataya. Hindi po ako lumikas para tumakas sa laban, lumikas po kami para masimulan na ang totoo at patas na laban. Hindi pa po tapos ang labang ito... nagsisimula pa lamang... dahil ngayon, maihahayag ko na ang buong katotohanan at hindi na nila ako mapipigilan."
No comments:
Post a Comment
Comments are moderated by the blog owner.
Thank you and God bless you.